Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang malalabag na karapatang pantao sa pagpapatupad ng minimum health protocols upang maka-iwas sa COVID-19.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni PNP Spokesman P/Bgen. Ildebrandi Usana kasabay ng paggunita ng International Human Rights Week simula ngayong araw.
Ginawa ni Usana ang pahayag kasabay na rin ng pagpapakalat ng PNP ng social distancing patrollers na siyang titiyak na masusunod ang physical distancing na bahagi ng minimum health protocols.
We can assure our people na ang mga pulis natin ay trained sa mga ganitong usapin at bukod pa doon ay alam nila ang implication ng karapatang pantao. Makakaasa sila na ang ating mga kapulisan, yung mga social distancing patroller ay may kaalaman sa usaping karapatang pantao,” ani Usana.
Apela naman ng PNP sa publiko na pairalin ang disiplina sa sarili at paggalang sa kapakanan ng kapwa.
More or less meron ng inumpisahang instructions ang mga commanders natin at more likely yan ang pag-angkat ng mga yantok ay isinasagawa na rin so, ito pa din ay preparation nung dagsa ng tao at alam natin yung mga lugar na maraming tao sa malls, mga tiangge pati na rin sa simbahan at kung sakaling merong self discipline ang mga tao; ang pakiusap na lang namin ay huwag silang lalabas kasi makakatulong sila sa ating mga otoridad,” ani Usana. — panayam mula sa Oh! IZ sa DWIZ.