Muling nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila irerekumenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng tigil putukan sa communist terrorist group na CPP-NPA at NDF.
Ito ang matigas na pahayag ng AFP kahit pa matapos na ang holiday season kung kailan kadalasang nagkakaroon ng ceasefire sa pagitan ng militar at ng komunistang grupo.
Ayon kay AFP Spokesman Marine MGen. Edgard Arevalo, hindi kailanman naging sinsero ang mga komunista sa tigil putukan sa halip ay ginagamit nila ito upang makapagpalakas ng kanilang puwersa.
Mismong si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Chairman Luis Jalandoni na aniya ang nagsabing hindi nila isusuko ang armadong pakikibaka kahit pa may umiiral na tigil putukan.
Ginawa ni Arevalo ang pahayag matapos na tanungin kung magpapatupad ng ceasefire o hindi ang pamahalaan sa panahon ng Pasko at bagong taon.