Arestado ang mahigit 300 dayuhan na sinasabing walang work visas at hinihinalang sangkot sa cybercrime operations sa bayan ng Bamban sa Tarlac.
Ayon kay Bureau of Immigration commissioner Jaime Morente, 323 sa mga nadakip ay Chinese, walong ang Malaysians, at isa naman ang Indonesian.
Aniya, hinuli ang mga suspek dahil sa sumbong na dawit ang mga ito sa online gambling, internet fraud, at cybercrime operations.
Nakatakdang i-deport ang mga nabanggit na dayuhan dahil sa umano’y paglabag sa Philippine Immigration Act.