Nakakuha na ng certificate of compliance mula sa motorcycle taxi Technical Working Group (TWG) ang mga ride hailing company na Angkas at Joyride.
Ito ang inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO), matapos anilang ganap na masunod ng 2 kumpanya ang itinakdang guidelines ng Inter-Agency Task Force on emerging infectious diseases at TWG.
Ayon sa LTO, epektibo ang naturang certificate sa habang ipinatutupad ang motorcycle taxi pilot study, maliban na lamang kung ito ay babawiin o kakanselahin.
Nobyembre 24 nang muling pahintulutan ng pamahalaan ang pagbabalik operasyon ng Angkas at Joyride matapos namang ibalik ang pinalawig na pilot study para sa motorcycle taxi.
Sa ilalim ng pilot study, pag-aaralan ang pagbuo ng batas para sa posibleng ganap na pagsasaligal ng motorcycle taxi service.