Inamin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na nagkaroon ng “delay” sa pagpapalabas ng sahod ng mga kinuhang COVID-19 contact tracers ng pamahalaan.
Ayon kay Malaya, ito ay bunsod ng mga hindi agad nakumpletong dokumento ng mga naturang contact tracers na kinakailangan nilang maisumite para makuha ang kanilang sweldo.
Nilinaw naman ni Malaya na matagal na nilang naresolba ang naturang isyu.
Aniya, inatasan na ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga field office ng DILG na madaliin ang proseso sa pagpapalabas ng sahod ng mga contact tracers.
Sinabi ni Malaya, hindi bababa sa 50,000 mga contact tracers ang itinalaga ng pamahalaan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.