Nakatakdang ilabas ng North Luzon Expressway Corporation, ang kanilang tugon sa isyu ng nararanasang aberya ng kanilang RFID system ngayong araw.
Ayon sa NLEX, may inihanda na silang konkretong plano para maresolba ang problema sa RFID na itinuturong dahilan ng mas tuminding trapiko partikular sa Valenzuela City.
Nakapaloob na anila rito ang kanilang ilalatag na solusyon sa mga madaling masira, hindi mabasa at nawawalang load ng mga RFID stickers.
Samantala, iginiit ng NLEX na hindi dapat isisi lamanng sa kanilang RFID system ang naranasang mabigat na trapiko sa Valenzuela City lalu na noong Disyembre 1.
Ito ay dahil nagkaroon din anila ng pagtaas sa bilang ng mga trucks at pribadong sasakyan na pumasok ng Metro Manila matapos ang long holiday na sinabayan pa ng inaasahang pagdami rin ng mga sasakyan tuwing Kapaskuhan.
Magugunitang sinuspinde ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng Metro Pacific Tollways Corporation – NLEX matapos itong mabigong isumite ang hinihinging action plan sa isyu ng kanilang RFID system.