Ipiprisinta na sa plenaryo sa susunod na linggo, bago mag-adjourn ang sesyon ng kongreso, ang panukalang batas na layong ipagbawal at patawan ng parusa ang diskriminasyon sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender o intersex o kung ayaw magkaroon ng kasarian.
Ito ay makaraang aprubahan na sa senate committee on women, children and family relations ang Senate Bill 1934 kung saan pagmumultahin ng P500,000 hanggang P1-milyong at maari ring utusan na magcommunity service ang mapatutunayan na nang-discriminate , nanlait, bumastos o nagsalita ng masakit dahil sa sexual orientation, gender identity and expression and sex characteristics.
Kabilang sa mahabang listahan ng ipagbabawal ang pagtanggi ng employer o paaralan na tanggapin ang aplikante dahil sa sexual orientation, gender identity and expression, and sex characteristics (SOGIESC).
Bawal din na tanggihan sa public establishments gaya ng ospital, restaurant at palikuran ang mga naiiba ang sexual orientation o sexual identity.
Bawal din na ipahiya, i-harass, pagmalupitan, saktan ng magulang, guardian o custodian ang bata na pinipigilan na ilabas ang pinipiling sexual orientation o identity.
Lumagda sa committee report si Senador Risa Hontiveros na chairman ng committee on women, Senadora Nancy Binay, Senadora Leila De Lima, Senadora Imee Marcos, Senadora Grace Poe, Senador Ralph Recto, Senador Juan Miguel Zubiri at Senador Franklin Drilon.
Hindi lumagda sa committee report sina Senate President Tito Sotto III, Senadora Cynthia Villar, Senador Sherwin Gatchalian, Senadora Pia Cayetano at Senador Ronald Dela Rosa.
Nung nakaraang taon, sinabi ni Sotto na walang tsansa na lumusot sa senado ang tinaguriang Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) bill; ang pwede raw aprubahan ng senado ay anti-discrimination bill na hindi lang naka-focus sa mga myembro ng LGBTQ community. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)