‘Isa ba itong election budget?’
Ito ang kwestyun ni Senador Panfilo Lacson makaraang tumaas o madagdagan pa P28.3-bilyon ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bicam report ng pambansang budget para sa susunod na taon.
Indikasyon ito, ayon kay Lacson, na may malawakang realignments at insertion na nangyari sa budget ng DPWH alinsunod sa mga isinulong ng mga mambabatas.
Giit ni Lacson, maging ang budget para sa multipurpose buildings na paulit-ulit nyang kinuwestyun sa committee hearing hanggang sa plenary deliberation ay tumaas pa ang alokasyon pagdating sa bicam report, samantalang tinanggal nila ito sa bersyon ng senado.
Malinaw naman anyang nasasayang lang ang pondo para sa mga multipurpose building dahil sa kabiguan ng DPWH na maipatupad ito.
Dahil dito, bagamat miyembro ng bicam panel, bumoto ng ‘no’ si Lacson sa ratipikasyon ng bicam report ng 2021 national budget.
Giit ni Lacson, hindi nya magagawang bomoto ng pabor sa pagpapasa ng isang napakahalagang panukalang batas ng hindi nya nababasa ang detalye o nilalaman ng bicameral conference committee report.
Hindi kasi agad nabigyan ng kopya ng bicam report si Lacson bago ang ratipikasyon sa kabila ng pagrerequest ng kanyang tanggapan; kaya bago ang ratipikasyon, marami munang itinanong si Lacson maging ang iba pang mga senador. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)