Ipinagtanggol ni Senador Christopher “Bong” Go ang Malakanyang sa alegasyon na wala itong kongkretong plano para sa pagbili at pamamahagi ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Go, chairman ng senate health committee, nasa plano na ang pag-utang sa Asian Development Bank sa World Bank at ilang bansa para sa pagbili at distribusyon ng bakuna.
May inihahanda na rin anyang kasunduan sa pribadong sektor at pharmaceutical companies para sa pagbili at distribusyon ng bakuna kung saan posibleng walang gastusin ang gobyerno.
Patuloy din anya ang koordinasyon ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa iba’t ibang sektor para sa pagbili ng ligtas na bakuna at pagtukoy sa mga pangunahing bibigyan nito.
May binuo na anya ang National Task Force Against COVID-19 ng anim na task group para sa pagbili ng bakuna.
May kanya-kanya itong tungkulin; may nakatutok sa evaluation and selection ng bakuna, sa diplomatic negotiation sa bansang bibilhan ng bakuna, sa procurement at financing, sa storage at at pagbili ng mga karayom, PPEs at supplies para sa pagbabakuna at may naglalatag na ng immunization program.
Bukod dito, may direktiba na aniya ang pangulo na unahin sa sa bakuna ang frontliners, mahihirap at vulnerable sectors. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)