Sinopla ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta si House Deputy Speaker at BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza hinggil sa pagtitiyak nitong babalik sa himpapawid ang TV Network giant na ABS-CBN.
Ayon kay Marcoleta na isa sa mga pangunahing tumutol sa muling pagbibigay ng prangkisa sa nasabing Broadcast giant, tiyak na daraan sa butas ng karayom bago muling bumalik sa himpapawid ang nasabing kumpaniya.
Bagama’t may karapatan naman aniya ang ABS-CBN na muling mag-apply para sa kanilang prangkisa subalit nakadepende pa kung maaaprubahan ito sa Committee level pa lamang kung saan ito unang nabasura.
Tatlong puntos ang binigyang diin ni Marcoleta para maging posible ang sinasabi ni Atienza, una ay kung nagkaroon nga ba ng reporma, ikalawa ay kung nagkaroon ba ang kumpaniya ng bagong pangasiwaan o management at ang ikatlo ay kung natugunan ba ang lahat ng mga naging paglabag nito.
“kung magapply sila pero yung mga tao nasa likod nito ay sila sila pa rin, yung pasilidad ganun pa din, walang nakitang reporma ay baka hindi pa rin sila mabigyan ng franchise” giit ni Marcoleta.
Giit pa ni Marcoleta, isa-isang hihimayin ang lahat ng mga probisyon sa prangkisa ng ABS-CBN kaya’t matatagalan pa bago ito mapagbigyan.
“yung provision sa kanilang franchise mula Section 1 hanggang sa dulo ay susuriin nang mabuti, ito ay pagtiyak na hindi na mauulit yung mga naging violations kaya matatagalan pa bago ang sinasabing makakabalik sila sa ere”paliwanag pa ni Marcoleta.