Mariing kinondena ng Human Rights Watch ang umano’y crackdown ng pamahalaan sa mga aktibista kasabay ng paggunita sa human rights day.
Ayon kay Human Rights Watch Deputy Asia Director Phil Robertson, kaduda-duda ang ginawang operasyon ng pulisya laban sa mga tumutuligsa sa pamahalaan.
Lalo lamang aniyang lumalaki ang pagdududa ng mga Pilipino sa pambansang pulisya na ang tanging tungkulin ay pagsilbihan at protektahan ang taumbayan.
Hindi aniya katanggap tanggap ang ginagawang ito ng pamahalaan na busalan ang mga aktibista lalo pa’t itinaon ang pag-aresto sa mismong araw na inilaan para kilalanin ang karapatang pantao sa buong mundo.
Magugunitang sabay-sabay na inaresto ng pulisya nuong huwebes ang anim na aktibista gayundin ang mamamahayag na si Lady Ann Salem dahil umano sa pag-iingat ng mga armas.