Umaasa ang Metro Pacific Tollways (MPTC) na tatanggalin na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang ipinataw nitong suspensyon sa business permit ng North Luzon Expressway Corporation (NLEX).
Ito ay sa oras na matuloy na ang kanilang pulong kasama ang mga opisyal ng Valenzuela City.
Ayon kay MPTC Chief Communications Officer Romulo Quimbo, nakahanda na silang ilatag sa Valenzuela City LGU ang mga inihanda nilang solusyon para tugunan ang nangyayaring aberya sa kanilang RFID system.
Kabilang na aniya rito ang pagpapatupad ng tinatawag na “barrier up” procedure o pananatiling nakataas ng harang sa tollgate kapag nagsisimula nang magsikip ang trapiko.
Sinabi ni Quimbo, sa ganitong paraan ay tuloy-tuloy lamang ang pagpasok ng mga sasakyan sa tollgate habang tuloy din ang pagtatala ng scanners sa transaksyon ng mga RFID subscribers.
Ani Quimbo, nakatakda ang kanilang pulong sa mga opisyal ng Valenzuela City, bukas, Lunes, Disyembre 13, alas-11 ng umaga.