Hindi awtomatikong magreresulta sa pagtanggal ng suspensyon sa business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) ang nakatakdang pulong sa pagitan ng Valenzuela City LGU at operator nito na Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).
Ito ang inihayag mismo ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, bahagi lamang ng due process ang pakikipag-usap ng lokal na pamahalaan sa isang kumpanya na pinatawan nito ng suspensyon.
Aniya, ilalahad nila sa pulong ang mga dahilan ng suspensyon ng business permit ng NLEX at ipaliliwanag kung bakit sila nagpasiyang gawin ito.
Iginiit ni Gatchalian, layunin din ng pulong ang makabuo ng solusyon upang maresolba ang problemang idinudulot ng aberya sa rfid system ng NLEX at hindi ang pag-aalis sa suspension order.
Unang itinakda ang pulong sa pagitan ng MPTC at Valenzuela City LGU noong Disyembre 10 pero naantala ito matapos ihayag ng tollway operator ang posibilidad ng pagdulog sa korte para humiling ng temporary restraining order (TRO).