Inalmahan ng grupo ng mga truck owners ang paninisi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga trucks bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbigat ng trapiko sa mga kalsada.
Kasunod ito ng pasiya ng MMDA na muling ipatupad ang truck ban sa Metro Manila, simula ngayong araw, December 14.
Ayon kay Alliance of Concerned Truck Owners and Organization Vice President Rina Papa, hindi dapat isisi lamang sa mga truck ang nararanasang mabigat na trapiko.
Batay kasi aniya sa isang pag-aaral,tanging 3% lamang ng mga bumibiyaheng sasakyan sa mga kalsada ang binubuo ng mga truck.
Sinabi ni Papa, volume o sobrang dami ng mga sasakyan sa kalsada ang tunay na dahilan ng pagbigat ng trapiko.
Kaugnay nito, nanawagan si Papa sa pamahalaan na tulungan silang mabago ang pananaw ng publiko dahil mas malaki aniya ang maidudulot na purwesiyo kung titigil sila sa pagbiyahe.