Kanselado na ang taunang Lantern Parade ng University of the Philippines sa Diliman Campus sa Quezon City dahil pa rin sa patuloy na banta ng COVID-19.
Ito ang inanusyo ni UP Vice Chancellor for Community Affairs Aleli Bawagan sa pamamagitan ng ipinalabas nitong memorandum noong Disyembre 10.
Ayon kay Bawagan, sa halip na Lantern Parade, magsasagawa na lamang ng isang payak na programa sa Disyembre 18 para pagnilayan ang napagdaanan ng bansa sa nakalipas na mga buwan.
Magpapalabas din ng isang music video ang UP kung saan tampok ang isang jeepney na dinisenyo ng multimedia artist na si Toym Imao.
Isa ang Lantern Parade sa mga pinakaaabangan event sa u-p diliman na pinasimulan pa noong 1922 bilang paggunita sa tradisyon ng mga Pilipino na pagdadala ng mga parol habang patungong simbahan para sa Simbang Gabi.