Ipinalalathala ng isang mambabatas sa Department Of Health ang eksaktong presyo ng RT-PCR testing na iniaalok ng 191 lisensyadong pampubliko at pribadong laboratoryo sa bansa.
Ayon kay Surigao Del Sur Representative Johnny Pimentel, hindi niya maunawaan kung bakit hindi pa rin mai-publish ng DOH sa kanilang website ang presyo ng RT-PCR tests sa bawat lisensyadong laboratoryo.
Ani Pimentel, dapat magkaroon ng tunay na transparency sa presyo ng RT-PCR test bilang proteksyon na rin sa karapatan ng mga consumers.
Makatutulong din aniya ito sa publiko para matukoy, maikumpara at makapili ng laboratoryo na sa tingin nila ay mas mainam para sa kanila.
Binigyang diin ni Pimentel, isa sa dahilan kung bakit nananatili pa ring mataas ang presyo ng RT-PCR test ang kabiguan ng doh na isulong ang transparency sa presyo nito.
Napakahalaga aniya ng price transparency lalo na’t posibleng umasa ng matagal sa COVID-19 testing ang publiko dahil maaaring abutin ng 3 taon bago maabot ng pamahalaan ang target na mabakunahan ang 60% ng populasyon sa bansa.