Posibleng magpapalawak ng kanilang negosyo at mag-hire o kumuha ng mas maraming manggagawa ang mga kumpanya sa bansa sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bunsod na rin ng inaasahang muling paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay BSP Department of Economic Statistics Director Redentor Paolo Alegre, lumabas sa kanilang pinakahuling business expectation survey na babalik sa positive territory ang employment outlook sa unang bahagi ng 2021.
Aniya, posibleng umakyat sa 5.3% employment outlook sa bansa sa susunod na taon matapos naman itong bumulusok sa negative 5.5% sa ika-3 bahagi ng 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Maliban dito, tinataya ring aabot sa 7.8% ang employment outlook index ng bansa sa susunod na 12 buwan.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 10% ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Hulyo mula sa naitalang 17.7% noong Abril.