Nangangamba ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa hindi pa tiyak na pondo para sa iaangkat ng gobyerno na suplay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa ilalim ng 2021 national budget.
Reaksyon ito ng Office of the Vice President (OVP) matapos sabihin ni Senate Minority Floorleader Franklin Drilon na hindi pa malinaw kung saan huhugutin ang target na P72.5-bilyon na pondo para sa pagbili ng bakuna.
Sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, spokesman ng OVP, na nakakadagdag pa sa problema ng bansa sa COVID-19 pandemic ang pambili ng bakuna na dapat hinahanapan na ng pondo kahit pa mangutang na ang Pilipinas.
Kulang aniya ng ‘sense of urgency’ ang gobyerno sa kabila ng sitwasyon kung saan nag-uunahan na ang mga bansa para maka-secure ng suplay ng bakuna kontra COVID-19.
Una nang lumagda sa kasunduan ang pribadong sektor at pamahalaan para makakuha ng suplay ang bansa ng bakunang gawa ng British pharmaceutical firm na AstraZeneca.