Pinagmukha umanong ‘cheap’ ni House Speaker Lord Allan Velasco ang posisyong deputy speaker ng kamara.
Ito, ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Angelito Banayo ay dahil sa ‘singko mamera na lang’ pagtatalaga ni Velasco ng 29 deputy speakers bilang pabuya nito sa mga kaalyadong kongresista na sumuporta sa kanya.
Sinabi ni Banayo na nakakawala ng dignidad at self-respect ang ginawang pagtatalaga ni Velasco ng maraming deputy speaker na dati ay tatlo lamang para kumatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao taliwas sa kasalukuyan na isang deputy speaker ay 10 kongresista lamang ang hawak.
Mas lalo lamang aniyang pinababa ni Velasco ang imahe ng kamara nang magtalaga ng sangkaterbang deputy speakers sa Mababang Kapulungan.
Ganito rin ang posisyon ng political analyst na si Professor Ramon Casiple na nagsabing pondo ng taumbayan ang nakataya sa paglalagay ng napakaraming deputy speakers bilang regalo ni Velasco sa kanyang mga kaalyado.
Una nang inihayag ni Casiple na maituturing na scandal ang pagkakaruon ng halos 30 deputy speakers na hindi naman kailangan dahil wala namang nagagawa maliban pa sa dagdag gastos ang mga ito.