Nagpaalala ang Simbahang Katolika sa mga dadalo ng misa ngayong pagsisimula ng tradisyunal na Simbang Gabi.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na patuloy na sumunod sa itinakdang health protocols ng pamahalaan.
Ani Secillano, may banta pa rin ng virus, kaya’t mas mainam na magpatupad ng ibayong pag-iingat.
Sa katunayan aniya, sa gagawing Communion, sasabihin na ng pari ang katagang ‘Katawan ni Kristo’ bago ito tuluyang bumaba sa altar at mamahagi ng Ostia.
Bago bumaba ang pari doon sa altar, patungo doon sa mga tao, sasabihin na kaagad ng pari, ‘katawan ni Kristo’. Kaya pagbaba nya dito, pipila ‘yung mga tao, tapos tatanggapin nung tao ‘yung Ostia, sa pamamagitan ng kamay,” ani Fr. Secillano.
Kung saan, nakikita itong paraan para makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus.
Kasunod nito, iginiit naman ni Secillano na dati pa ay tumatalima na ang Simbahang Katolika sa ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan hinggil sa mga health protocols.
Pagdidiin pa ni Secillano, hindi naman nawawala ang tunay na diwa ng pagsisimba, dahil kinakailangan din ng bawat-isa na mag-ingat kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hindi naman ‘yan tinatanggal, kinakailangan lang nating mag-ingat, so, gawin natin kung ano ‘yung makakatulong din sa atin,” ani Fr. Secillano. —sa panayam ng Yes Yes Yo Topacio