Napagkasunduan ng North Luzon Expressway at lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang ilang mga hakbang para maresolba ang pagbigat sa trapiko sa lungsod dahil sa aberya sa RFID system ng tollway.
Sa ipinalabas na pahayag ng NLEX, kanilang pinasalamatan si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa ibinigay nitong oportunidad para mailatag nila ang mga kongkretong solusyon upang masaayos ang sitwasyon ng trapiko sa expressway.
Kabilang anila rito ang muling pagbubukas ng cash lanes sa lahat ng toll plaza sa NLEX bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista.
Dagdag ng NLEX, napagkasunduan din ang paglilipat ng lugar ng pag-install ng RFID sticker at reloading transaction na malayo sa toll gate.
Bilang tugon naman sa reklamo ng mga customers hinggil sa palpak na RFID stickers, tiniyak ng NLEX Corporation na patuloy nilang isinasaayos ang kanilang sistema.
Samantala, sinabi ng NLEX Corporation na magpapatupad sila ng “barrier up” operation sa lahat ng toll gate sa Valenzuela City tuwing rush hour para maiwasan na mahabang pila ng mga sasakyan.