Isinumite ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Senate Bill Number 1953 o ‘Bayanihan To Rebuild As One Act’ o Bayanihan 3.
Ayon kay Recto, layunin nito na mas mapabilis ang pagbangon at pagpapapatatag ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapabilis ng vaccination program, pagtulong sa pamilya, manggagawa at maliliit na negosyo na lubhang naapektuhan ng pandemya at nagdaang mga bagyo.
Sa ilalim nito may ilalaang P485-B para gugulin ng gobyerno sa naturang mga programa.
Pinabibigyan din ng pondo ang CHED at DepEd para sa internet allowances ng mga guro at estudyante.
Inaatasan dito ang Department of Trade and Industry na tulungan sa puhunan at restructuring ng utang ang malilit na negosyo habang pinabubuo ang National Economic Development Authority ng economic resilience plan.
Ang inihain ni Recto ay counterpart ng Bayanihan 3 na inihain sa Kamara ni Marikina Congreswoman Stella Quimbo.