Hindi pa rin pupwedeng makalabas sa mga pampublikong lugar sa Quezon City ang mga menor-de-edad.
Alinsunod sa Quezon City Special Protection of Children Against COVID-19 na inaprubahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ipinagbabawal nito ang paglabas ng mga menor-de-edad, kahit pa may kasama ang mga ito na magulang o guardian.
Paliwanag ng QC local government unit, layon ng naturang ordinansa na ang panatilihing ligtas ang mga kabataan kontra COVID-19.
Mababatid na ipinasa ang naturang programa batay na rin sa rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society na nagsasabing malaki ang posibilidad na mahawa sa virus ang mga menor-de-edad.
Kabilang sa mga tinukoy na pampublikong lugar ay ang mga sumusunod: kalye, highway, sidewalks, parking lots, vacant lots, at common areas sa simbahan, apartment, buildings, office buildings, hospitals, schools, malls o shopping centers, commercial establishments, sinehan, at iba pa.
Sa kabila nito, papayagan namang lumabas ang mga menor-de-edad, kung kailangan nitong dumalo sa isang medical appointment, may employment activity, may international o domestic travel, bibili ng mga essential goods, at iba pang emergency.