Tiwala ang Paniqui Municipal Police Station na hindi mada-downgrade sa homicide ang kasong murder na isinampa laban sa pulis-Parañaque na bumaril at pumatay sa isang mag-ina sa Tarlac.
Ayon kay Paniqui Municipal Police Chief Lt. Col Noriel Rombaoa, kumpleto at mabigat ang ebidensiyang inihain nila laban sa suspek na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Tiniyak din ni Rombaoa na bagama’t kabaro nila ang suspek, hindi ito bibigyan ng special treatment at ituturing na katulad ng ordinaryong persons deprived of liberty.
Dagdag ni Rombaoa, personal nilang nakausap ang asawa at ama ng mga biktimang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio kung saan nangako silang bibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
Magugunitang nag-viral ang kuha ng video sa pagbaril ng suspek na pulis sa nakasagutang mga biktima noong linggo, ika-20 ng Disyembre.
Walang special treatment dito kahit kaninong PDL… I’ll make sure na walang VIP treatment dito,” ani Rombaoa. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882