Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Bato Municipal Police Station sa Catanduanes na si Captain Ariel Buraga.
Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office 5 Director Brig. General Bartolome Bustamante batay sa naging rekomendasyon ng Catanduanes Provincial Police Office.
Una nang hiniling ni Bato Mayor Juan Rodulfo kay Catanduanes Provincial Police Director Col. Brian Castillo na palitan na si Buraga.
Ito ay matapos kampihan ni Buraga ang ginawang pagpatay ng kabarong si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Batay sa Facebook post ni Buraga na nagresulta sa public outrage sa social media, kanyang sinabi na dapat igalang ng lahat, maging ng mga nakatatanda, ang mga pulis.
Dagdag nito, mahirap din aniyang kalaban ang pagtitimpi o galit.
Samantala, pansamantalang hahalili kay Buraga si Lt. Fidel Romero bilang hepe ng Bato Municipal Police Station. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)