Lusot na sa Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong maibsan ang food waste ng bansa sa pamamagitan ng pag-donate at pag-recycle ng mga tira-tirang pagkain.
Saklaw ng House Bill 7956 o ang Food Surplus Reduction Act ang mga restoran, diners, culinary schools, supermarkets, fast food chains, hotels, at food manufacturers.
Sa ilalim ng bill ni Quezon City 1st District Rep. Anthony “Onyx” Crisologo, susuriin muna ng isang sanitary inspector ng lokal na pamahalaan ang pagkain bago payagang i-donate sa benepisyaryo tulad ng mga food banks na siyang mamamahagi nito katuwang ang social welfare department at local government units.
Papatawan ng kalahating milyong pisong multa ang establisimyento na mamamahagi ng panis o sirang food surplus habang P1 milyong multa naman ang ipapataw sa sinumang pipigil sa pamamahagi ng mga tirang pagkain.
Matatandaang lumabas sa Social Weather Stations survey noong Setyembre na mahigit 7 milyong Pilipino ang nagutom sa ikatlong bahagi ng taong kasalukuyan.