Agad na inilipat sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology si Police Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na pumatay sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Ito ay matapos na magpalabas ng commitment order ang korte sa Tarlac sa kinahaharap nitong kasong double murder.
Ayon kay PNP Region 3 Director Police Brig. General Val De Leon, pasado alas-5 ng hapon ng ilipat sa Paniqui Municipal Jail si Nuezca.
Mananatili si Nuezca sa naturang piitan habang hinihintay ang pagdinig sa kanyang kaso dahil sa pagpatay sa mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio.
Una nang tiniyak ni PNP Chief General Debold Sinas na daraan sa proseso ang kaso ni Nuezca at ipinauubaya sa korte ang ipapataw na hatol dito.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)