Sinita ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang firecracker vendors sa Bocaue, Bulacan dahil sa pagbebenta ng ilang paputok na hindi rehistrado.
Sa pag-iikot ng DTI team sa pangunguna ni DTI Consumer Protection Undersecretary Ruth Castelo, hindi nakalusot ang mga vendors dahil kinumpiska ng mga otoridad ang mga ibinibentang paputok na dapat ay mayroong label kung saan ito nagmula at PS mark ng ahensya.
Kasama sa team na nag-ikot ay mula sa Bureau of Fire Protection na nagpaalala sa vendors na dapat maglagay ng drum na may tubig sa tabi ng mga puwesto para kaagad maapula sakaling magkaroon ng sunog.
Bitbit naman ng Philippine National Police ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng “thunder” at “baby dynamite”.
Una nang humihirit ang mga negosyante ng paputok na huwag muna silang ipasara dahil maraming manggagawa nila ang mawawalan ng trabaho.