Pinaalalahanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng mga magulang na tiyaking ligtas at malayo sa paputok ang kanilang mga anak.
Sa virtual briefing ng DOH, iginiit ni Duque na lahat ng klase ng paputok ay maaaring makapagdulot ng pinsala o disgrasya kahit iyong mga ligal.
Ayon kay Duque, karaniwang nagiging biktima ng mga firecracker related incident ang mga bata kaya kinakailangang matiyak na hindi makakahawak ng anumang klase ng paputok ang mga ito.
Binigyang diin ng kalihim na walang saysay na maging kapalit ng panandaliang kasiyahan ang panghambuhay na kapansanan na maaaring idulot ng paputok.
Ani Duque, may ibang paraan pa para ipagdiwang ang bagong taon nang ligtas tulad ng paggamit ng mga kaldero at iba pang gamit sa bahay para gumawa ng ingay.