Hindi titigil ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na paghusayin pa ang kanilang kakayahan upang palakasin ang kanilang hanay para protetaktahan ang sambayanan.
Ito ang hamon ni AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa lahat ng mga bumubuo ng Sandatahang Lakas ng bansa kasabay ng pagsalubong sa bagong taong 2021.
Ayon kay Gapay, nalagpasan ang anumang matitinding hamon na dumating sa bansa sa nakalipas na taon dahil sa pagtutulungan ng militar at ng mamamayan.
Ito rin ang dahilan ayon sa AFP chief kaya’t napagtagumpayan ng kanilang hanay ang pagtupad sa mandato kahit pa itinuturing na hindi pangkaraniwan ang nagdaang taon.
Kasabay nito, sinaluduhan ni Gapay ang buong puwersa ng sandatahang lakas mula sa mga miyembro ng Army, Navy, Air Force at Marines na nanatiling matatag sa kabila ng pinakamatinding digmaan na kanilang kinaharap partikular ang giyera kontra COVID-19.