Palaisipan ngayon sa pulisya kung nagpakamatay o sadyang pinatay ang isang babaeng flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) matapos makitang wala nang buhay sa City Garden Grand Hotel sa Makati City nitong Biyernes, Enero 1.
Kinilala ng Makati City Police Station ang biktima na si Christine Angelica Dacera, 23 taong gulang, at residente ng VS Subdivision, Barangay San Isidro, General Santos City.
Hinala ng pamilya ng dalaga, may foul play sa pagkamatay ng biktima bunsod ng mga nakitang pasa at sugat sa kanyang binti at hita.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, natagpuan si Dacera ng kaibigang si Rommel Galida na nakahiga sa bathtub ng inuupahang Room 2209 ng hotel.
Sinubukan nitong tapikin o gisingin ang dalaga pero hindi ito tumugon kaya’t agad nila itong dinala sa klinika kung saan natuklasan umanong wala na itong pulso at hindi na humihinga.
Batay sa mga kuha ng CCTV ng hotel, bandang alas-6:00 ng umaga ng Enero 1 ay pumasok sa nabanggit na room si Dacera na may kasamang dalawang lalaki.
Sa ngayon, patuloy imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.