Nagpositibo sa COVID-19 ang hindi bababa sa 74 na mga overseas travelers o mga bumiyahe sa labas ng bansa.
Ito ay sa gitna ng ipinatutupad na restriksyon ng pamahalaan para sa mga manggagaling sa ibang bansa upang mapigilan ang posibleng pagpasok sa Pilipinas ng bagong variant ng coronavirus.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, dumating sa Pilipinas ang mga nabanggit na nagpositibong overseas travelers mula Disyembre 22, 2020 hanggang Enero 3, 2021.
Ani Dizon, mababa lang ang naturang bilang mula sa naitalang mahigit 3,600 dumating sa bansa sa nabanggit na panahon.
Gayunman, iginiit ni Dizon na hindi ilalagay sa alanganin ng pamahalaan ang mga Filipino sa bansa kaya mahigpit pa ring ipinatutupad ang 14 na araw na quarantine sa mga bagong dating sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Dizon na ipinadala na sa Philippine Genome Center at Research Institute for Tropical Medicine ang samples mula sa mga nagpositibong overseas travelers para matukoy kung nakapasok na ang bagong variant ng virus.