Iimbestigahan din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing pagpapabakuna kontra COVID-19 ng may 100k Chinese workers, kahit wala pang ina-awtorisang bakuna ang Food and Drug Administration sa bansa.
Kasunod ito ng ginawang pagbubunyad ng Chinese Pilipino Community Civic Leader na si Teresita Ang-See na pawang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang mga binakunahang Chinese nationals.
Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin, kanilang iimbitahan sa kanilang isasagawang imbestigasyon si Ang-See para makahingi pa ng mga karagdagang impormasyon.
Samantala, tiniyak ni Lavin na walang magiging epekto sa kanilang pagsisiyasat hinggil sa hindi awtorisadong pagpapabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group ang naging pahayag ng Pangulo.
Aniya, makikipag-unayan pa rin sila kay PSG Commander Brig. General Jesus Durante III para rito.