Nagpaabot ng pakikiramay si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa pamilya ng yumaong Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim.
Sa isang pahayag sinabi ni Lorenzana na sa pagpanaw ni Lim, nawalan ang bansa ng isang mabuting lider na may puso sa serbisyo-publiko at iniisip ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Pagdidiin pa ni Lorenzana, hindi ipinagdamot ng yumaong opisyal ang kanyang kakayanan sa pamamalakad sa iba’t-ibang aspeto ng serbisyo-publiko, magmula noong parte pa siya ng Armed Forces of the Philippines, hanggang sa paglilingkod nito sa bayan bilang isang civilian public servant.
Sa huli, ani Lorenzana, siya’y buong pusong nagpapasalamat sa suporta ni Lim sa inter-agency response operations sa nagdaang mga taon.