Humihingi pa ng dagdag na CCTV footage ang Pamilya Dacera para mas mabigyang-linaw ang nangyaring pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City.
Ito, ayon kay Atty Jose Ledda, Jr., isa sa mga abogado ng Pamilya Dacera, ay dahil hindi kumpleto o nasa isang bahagi lamang ng hotel ang lumabas na video footages sa media.
Sinabi ni Ledda na kailangang makita nila ang lahat ng anggulo sa mga nangyari sa naturang hotel para magkaroon ng kumpletong pananaw at mas malalim na pang-unawa sa talagang tunay na nangyari kay Dacera noong Bagong Taon.
Tinukoy ni Ledda ang lumabas na CCTV footage kung saan makikita si Dacera na hinahalikan ang isang lalaki sa corridor ng hotel at hindi naman nakakaapekto sa kaso ang footage dahil isang anggulo lamang ang ipinapakita rito.
Inihayag pa ni Ledda na hindi naman kontra sa posibilidad na ginamitan ng puwersa at intimidation si Dacera, sa nakasaad sa autopsy report na nagsasabing ang flight attendant ay nasawi sa rupture aortic aneurysm.
Hinihintay aniya ng pamilya ang resuLta ng alcohol at drug tests kay Dacera.