Nagsagawa ng kilos protesta ang iba’t-ibang militanteng grupo sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City kaninang umaga.
Ito’y para isigaw ang katarungan at ipanawagan na rin ang paglaya ng tinaguriang Human Rights Day 7 o ang mga inaresto ng pulisya sa mismong araw ng karapatang pantao.
Kabilang sa mga lumahok sa nasabing protesta ang mga kaanak at taga suporta ng mga inarestong trade union organizers at mga mamamahayag.
Ipinanawagan din ng mga nasabing grupo ang pagbibitiw ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold Sinas dahil sa anila’y mga kapalpakan ng mga tauhan nito.
Kabilang na anila rito ang pagtatanom ng mga pekeng kaso ng PNP sa mga aktibista gayundin ang gawa-gawang kaso laban sa mga itinuturong sangkot sa pagkamatay ni Christine Dacera na nagdulot ng kalituhan sa publiko.