Nagbabala ang Bureau of Customs sa publiko laban sa parcel scam o love scam lalo na ngayong papalapit na rin ang Valentine’s Day o araw ng mga puso.
Ayon sa Customs, ang parcel o love scam ay modus operandi kung saan tatawag o magpapadala ng text message o email sa isang consignee ng cargoes at parcels para humingi ng pera bilang clearance fees umano upang ma-release ang shipments mula sa BOC-NAIA.
Ginagamit din anito sa nasabing modus ang pangalan ng ilang opisyal ng BOC-NAIA.
Nilinaw ng BOC-NAIA, na wala itong hinihinging clearance fees o hindi naniningil ng bayad para sa customs duties and taxes sa pamamagitan ng telepono at hindi rin tumatanggap ng bayad sa money remittance centers o personal bank accounts.
Tumatanggap lamang ang BOC-NAIA ng bayad para sa customs duties and taxes sa pamamagitan ng authorized agent banks o BOC cashiers at maglalabas ng official receipt para sa naturang bayad.
Pinatatawag ng BOC-NAIA sa kanilang assistance hotlines na 095692452626 at 09617594067 para hindi maloko ng scammers.