Naka-isolate na at nakatakdang isailalim sa tests ang limang natukoy na close contact ng unang Filipino na nagpositibo sa UK variant ng coronavirus disease.
Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isang araw matapos kumpirmahin ng ahensiya na nakapasok na bansa ang bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Vergeire, kabilang sa inisolate ang nanay ng lalaking pinoy na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19, kanyang dalawang kapatid at girlfriend na pawang nakatira sa Quezon City.
Ani Vergeire, nakatakda pa lamang isalang sa test ang mga ito bagama’t hindi naman aniya sila nakikitaan ng sintomas.
Dagdag ni Vergeire, 92 sa 159 na mga nakasabay na pasahero ng lalaking nagpositibo sa COVID-19 UK variant ang na-contact na ng mga awtoridad, kung saan 52 pa lamang ang sumagot.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang iba pang mga nakasabay sa emirates flight EK 332 ng Filipinong nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 na makipag-ugnayan sa awtoridad.