Pinalawig pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deadline para sa road-clearing operations ng mga local government units (LGUs).
Ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, pinalawig pa nila ng isang linggo ang naturang deadline kasunod na rin ng mga hiling ng ilang LGUs na bigyan pa sila nang mas mahabang panahon para sa proyekto.
Dahil dito, sa halip na ika-15 ng Enero na ang nakatakda sanang deadline ay iniurong ito sa ika-22 ng Enero.
Ani Malaya, naiintindihan nila ang kahilingan ng mga LGUs dahil na rin sa nararanasang pandemya ng bansa.
Samantala, lilikha naman aniya sila ng validation teams para sa programa katuwang ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection na magsisimula sa ika-25 naman ng Enero.