Kinastigo ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang apat nilang tauhan na naaresto sa ikinasang drug buy bust operations sa Zambales kahapon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas, inatasan na niya ang Police Regional Office 3 na isailalim sa restrictive custody ang apat na pulis na sina p/Lt. Reynato Basa Jr, P/Cpl. Gino Dela Cruz, P/Cpl. Edesyr Alipio at P/Cpl. Godfrey Parentela.
Ayon kay Sinas, kaniya na ring inatasan ang Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) na pakatutukan ang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon na nakatalaga ang apat na naarestong pulis sa drug enforcement unit ng Olongapo City Police na nagsilbing lookout sa sinalakay na shabu laboratory sa finback street, Subic Freeport.
Pagtitiyak pa ng PNP chief, masisibak sa serbisyo ang apat na pulis sa sandaling mapatunayang sangkot din sila sa kalakalan ng iligal na droga at operasyon ng sinalakay na shabu laboratory sa lungsod.