Timbog ang apat na pulis matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Pambansang Pulisya ang isang shabu laboratory sa Zambales kahapon ng umaga.
Kinilala ni PDEA-NCR Director Adrian Alvariño ang mga pulis na sina P/Lt. Reynato Basa Jr, P/Cpl. Gino Dela Cruz, P/Cpl. Edesyr Alipio at P/Cpl. Godfrey Parentela.
Arestado rin ang target ng operasyon na si Jericho Dabu subalit nananatiling at large ang Canadian national na nagmamay-ari ng sinalakay na shabu laboratory.
Ayon kay Alvariño, maliban sa pagiging protektor ng mga nabanggit na sibilyan ang apat na pulis ay nagsisilbi rin umanong lookout ang mga ito nang ikasa ang operasyon.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow up operations ang PDEA NCR at ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Northern Police District (NPD)para sa ikadarakip ng Canadian national na utak ng operasyon ng nasabing laboratoryo.