Target ng pamahalaan na makamit ang zero casualty sa sandaling lumarga na ang pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.
Iyan ang tiniyak ni national action plan against COVID-19 chief implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. makaraang sabihin nito na mas magiging maingat sila sa pagpili ng gagamitin nilang brand ng bakuna sa publiko.
Ginawa ni Galvez ang pahayag bilang reaksyon sa ulat na may 23 senior citizen ang nasawi sa Norway makaraang maturukan ng bakuna mula sa Pfizer BioNTech.
Giit ni Galvez, kaya sila bumuo ng isang task group na kinabibilangan ng mga eksperto sa bakuna ay upang alalayan ang gobyerno sa pagpili ng bibilhin nitong bakuna.
Matapos aniyang marinig ang ulat, sinabi ni Galvez na agad siyang nakipag-ugnayan kay Health Sec. Francisco Duque III kung paano pangangasiwaan ang pagbabakuna sa mga senior citizen.