Nakahanda na ang listahan ng iba’t-ibang barangay sa bansa para sa mga residente nitong magiging prayoridad sa gagawing pagbabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, aniya, naghihintay na lamang ng mga instructions mula sa national at city governments hinggil sa gagawing kasunod na aksyon.
Paliwanag ni Diño, sang-ayon sa direktiba ng national government, ang mga kabilang sa ipaprayoridad na bakunahan ang mga ‘vulnerable sector’ o mga indibidwal na lapitin at mabilis dapuan ng virus, gaya ng mga health care workers, uniformed personnel, maging ang mga senior citizens.
Kasabay nito, naghahanda na rin, ani Diño, ang iba’t-ibang barangay para sa paglalagakan ng bakuna, mga pasilidad, at iba pang kagamitan.
Oras namang masimulan na ang vaccination program, maaari namang tumulong sa proyekto ang mga tauhan ng barangay health emergency response.