Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8149 o ang panukalang batas na tinatawag na “Bating Pilipino Para sa Kalusugan Act”, na nagtatatag ng bagong gawi ng pagbati ng mga Pilipino.
Ito’y bilang pag-iingat para hindi mahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at alternatibong gawi ng pagbati sa nakasanayan na pagmamano at pakikipag-handshake.
May kabuuang 212 mga mambabatas ang bumoto pabor sa House Bill 8149, isa ang bumoto ng ‘no’, at isa ang nag-abstain.
Ayon kay Marikina City Representative Bayani Fernando, na siya ring may akda ng naturang panukala, ito’y mas ligtas gawin kaysa sa mga nakasanayang pagbati lalo na’t mayroon pa ring COVID-19 sa bansa at upang maiwasan rin ang iba pang nakahahawang sakit.
Ang bagong pagbati ay gagawin sa pamamaraang paglalagay ng palad ng kanang kamay sa gitna ng dibdib habang bahagyang nakayuko at nakapikit ang mga mata o nakatingin sa baba.