Pinatawan ng hukuman ng Thailand ng 43 taong pagkakakulong ang isang 65 anyos na Thai woman matapos insultuhin o punahin ang royal family sa pamamagitan ng kanyang online posts.
Batay sa panayam ng Reuters sa abogado ni Anchan Preelert na si Atty. Pawinee Chumsri, napatunayang guilty si Preelert sa 29 na magkakahiwalay na violations sa pagse-share at pagpopost ng mga video clips sa Youtube at Facebook sa pagitan ng taong 2014 at 2015.
Dagdag pa ni Atty. Chumsri, unang pinatawan ng 87 taong pagkakabilanggo si Preelert subalit ibinaba ito sa 43 taong dahil inamin nito ang kanyang paglabag.
Ito ay kaugnay sa kanyang pagpuna sa royal family na labag sa batas ng Thailand na tinatawag na ‘lese majeste’ na nangangahulugang ‘to do wrong to majesty’ sa wikang ingles.
Ani Atty. Chumsri na mula sa Thai Lawyers for Human Rights group na ito ang kauna-unahang pinakamatagal na sintensyang pinataw ng korte para sa lese majeste case.
Base sa Thailand penal code section 11 na sinomang manira, uminsulto o magbanta sa hari, reyna o sa royal family ay papatawan ng tatlo hanggang 15 taong pagkakabilanggo sa bawat paglabag na magagawa.
Matatandaang pinatigil na noong taong 2018 ang pag-iral ng batas na ito subalit ipinanawagan ng pulisyang ibalik ito nitong nakaraang taon matapos dumami ang mga nagpoprotesta at pumupuna sa monarkiya.
Samantala, tinatayang nasa 40 kabataang aktibista na nitong Nobyembre ang napatawan ng naturang paglabag at wala ni isa sa mga kasong ipinataw ang dumaan sa pagdinig.— sa panulat ni Agustina Nolasco