Pinaplantsa na ang muling pagbabalik-operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa lahat ng mga linya nito.
Sa panayam ng DWIZ kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), kanila nang isinasagawa ang simulation test sa linya ng Anonas, Katipunan at Santolan stations, na una nang nakaranas nang aberya dahil sa nasunog nitong power rectifiers.
Ani Cabrera, ito ay upang masubukan ang kapasidad ng ikakasang temporary power supply system para sa mga naturang istasyon.
Hindi kasi aniya kakayaning hintayin pang matapos ang total repair ng mga ito na aabot ng isang taon kaya’t nagkaroon muna nang pansamantalang remedyo para rito.
Hindi pwedeng maghintay tayo ng matagal, so, magkaroon muna tayo ng temporary facility. Niremedyo muna natin to have a safe power supply in temporary,” ani Cabrera.
Gayunman, sinabi naman ni Cabrera na may ilang mga epekto ang pagkakaroon muna ng temporary power supply.
Una aniya ay ang mabagal na takbo ng mga bagon.
Mula aniya sa normal operating speed nito na nasa 60kph hanggang 70kph, ay magiging 35kph hanggang 40kph na lamang ito sa bahagi ng mga nabanggit na istasyon.
‘Yung operational speed is around 60kph to 70kph, ang maximum is 80kph. Dito sa Anonas, Katipunan at Santolan, around mga 35kph-40kph lang tayo, talagang napakabagal,” ani Cabrera.
Samantala, nakatakda naman umanong ilarga ang full operations ng LRT-2 sa unang bahagi ng 2021.
Magugunitang Oktubre, taong 2019, nang magliyab ang power rectifiers ng LRT-2 na nagdulot ng tigil-operasyon sa Santolan, Katipunan at Anonas stations. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais