Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Makati City Police na si Colonel Harold Depositar dahil sa command responsibility.
Bukod kay Depositar sinipa rin sa puwesto ang medico legal officer ng Southern Police District na si Police Major Michael Nick Sarmiento at dalawa pang imbestigador ng Makati Police.
Ipinag utos ni PNP Chief Debold Sinas ang pagsibak kay Depositar at iba pa dahil sa palpak na paghawak aniya ng imbestigasyon sa kaso nang pagpaslang sa flight attendant na si Christine Dacera.
Sinabi ni Sinas na ipinauubaya na niya kay NCRPO Chief Police General Vicente Danao, Jr. ang pagpapatupad ng relieve order sa mga nasabing opisyal at tauhan ng pulisya.
Magugunitang nagreklamo ang pamilya Dacera dahil hindi umano sila kuntento sa imbestigasyon sa kaso lalo na’t nauna pang na embalsamo ang mga labi ni Christine bago isinalang sa autopsy.