Irerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng karagdagang testing requirement para sa mga biyahero na papasok ng Pilipinas.
Ito ay makaraang lumitaw na positibo pala sa COVID-19 ang apat sa mga close contact ng unang kaso ng UK variant ng coronavirus, kahit pa negatibo ang resulta ng kanilang test nang dumating sa Pilipinas.
Ayon sa DOH, napag-usapan na nila ng technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang posibilidad na atasan ang lahat ng mga biyahero na muling magtest, limang araw matapos dumating sa bansa.
Sinabi ng DOH, mas makatitiyak silang mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 kung isasalang sa test ang mga biyahero pagdating pa lamang ng Pilipinas at matapos ang limang araw gayundin ang mahigpit na pagsasailalim sa mga ito sa 14-day quarantine.
Una nang ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang posibilidad na nasa incubation period pa lamang ang virus kaya negatibo ang inisyal na resulta ng test ng ibang mga close contact ng unang “new variant case”.