Inaasahang bubuksan na ngayong linggo ang tatlong istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na isinara nang mahigit isang taon, matapos masunog ang power supply nito sa Santolan Station noong Oktubre ng taong 2019.
Ayon kay Light Rail Transit Administration (LRTA) Spokersperson Atty. Hernando Cabrera, hinihintay na lamang nila ang ipalalabas na safety clearance ng kanilang mga safety officers.
Kasabay aniya nito, tuloy-tuloy pa rin ang simulation run ng mga tren ng LRT-2 na sinimulan noong Linggo, ika-17 ng Enero, upang matiyak na ligtas nang magpatakbo sa Anonas, Katipunan at Santolan Station.
Hinihintay natin ang safety clearance na manggagaling sa safety officer na magse-certify na pwede nang gamitin ang buong sistema,” ani Cabrera.
Gayunman, sinabi naman ni Cabrera na babagal sa 35kph hanggang 40kph ang takbo ng tren ng LRT-2 pagsapit sa Anonas hanggang Santolan Station mula sa regular na 60kph hanggang 70kph.
Ito ay dahil temporary power supply pa lamang ang gagamitin sa muling pagbubukas ng tatlong nabanggit na istasyon. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882