Ilalarga na ng Department of Health (DOH) ang ikalawang phase ng kanilang vaccination program kontra measles o tigdas at polio sa susunod na buwan.
Ayon kay Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje, target nilang mabakunahan ang nasa 4.7 million na mga bata laban sa polio at 5.1 million naman laban sa tigdas.
Sakop aniya ng vaccination program ang mga lugar sa Region 3, CALABARZON, National Capital Region, Region 4, 7 at 8.
Kasabay nito, binigyang diin ni Cabotaje ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa ibang mga nakakahawang sakit tulad ng polio at measles kung saan karaniwang nahahawaan ay mga maliliit na bata.
Sinabi ni Cabotaje, tulad sa COVID-19, maaari ding mapigilan ang outbreak ng tigdas at polio sa pamamagitan ng herd immunity na maaaring makamit kung mababakunahan ang malaking bilang ng populasyon.